Thursday, September 25, 2008

kung umuulan....

nakakatamad lumabas ng bahay...,humm ang sarap matulog at saka pakiramdam ko ba eh ayaw umalis ng katawan ko sa higaan kasi nga medyo malamig, at saka ang lakas pa naman ng ulan.., di maganda ang weather ngayon, di na lang ako papasok sa trabaho...ano kaya ang masarap na almusal, ahhh alam ko na, makapagluto kaya ng tsamporado at saka pritong tuyo at tsaka kapeng mainit. Hay sarap makakapahinga rin ako dito sa bahay. Saka ko na lang tatapusin ang gawain ko,pahinga muna ako sandali...another side of ulan comment... Hay ano ba yan, ngayon pa umulan ang dami ko pa namang gagawin ngayon nakakabadtrip tuloy, mababasa na naman itong damit ko pagpasok, at saka ang hirap magdrive kapag umuulan, madulas pa naman ang kalsada di ko masyadong nakikita ang daan. Nakakatamad maggrocery kapag ganito kalakas ang ulan.Iba-ibang comment natin kapag umuulan, either iaapreciate natin o magcomplain tayo sa sitwasyon. Ganito din sa buhay natin sa araw-araw,gusto natin yung kung saan tayo ay convenient, naluluwagan at yung bang laging nasisikatan ng araw, gusto natin yung buhay na fast o kaya naman ay instant, yung bang di tayo kailangang makaranas ng inconvenience sa buhay. Ano ang magiging reaksyon mo kapag naranasan mo ang malakas na pag-ulan? Ulan ng sunod-sunod na pagsubok?Pagbuhos ng malakas na ulan sa iyong pamilya kaya? minsan bagyo pa nga kung dumating, sakit ba? o kahirapan ? o kaguluhan ? di pagkaka-unawaan ng mga mahal mo sa buhay kaya? problema sa tamang pagpapalaki sa mga anak?Lahat ng iyan eh maaari nating maranasan pero nakadepende saiyo kung paano mo tatanggapin ang bawat pagpatak ng ulan. Maiinis ka ba? magtatago ka ba ? susuko ka ba ? malulungkot ka ba? Nakasalalay sa pagtanggap mo ang ikasasaya o ikalulungkot mo kapag bumuhos sa iyo ang matinding bagyo.Di mo man ito maiwasan pero may kapangyarihan ka na saluhin ito ng payapa at masaya. At walang sinuman ang pwedeng makapigil sayo sa magiging attitude mo kung umuulan. Tayo ang may hawak ng pag-uugali natin, dito tayo masasalamin ng tao kung paano tayo nakikitungo sa iba.Tulad nga ng lagi kong sinasabi, pipili rin lang tayo ng paraan kung paano tayo mabuhay dito sa lupa, eh piliin na natin yung masisiyahan tayo gayundin ang iba.Hindi nabibili ng pera ang saya. Kasi ang tao kahit may pera o wala eh pwedeng sumaya depende sa pagtanggap natin sa kung ano ang mayroon tayo, at huwag hanapin ang wala. Kung umuulan ngayon sa buhay mo.. tumingin ka sa positibong  paraan para ka sumaya... at tulad ng awit na ito, magiging magaan ang lahat basta alam mo lang kung saan ka maglalagak ng tiwala. IKAW O DIYOS ANG TANGI KONG KANLUNGAN, BAGYO MAN SA BUHAY AY DUMAAN. LUMAKAD MAN SA LILIM NG KAMATAYAN, IKAW O DIYOS  ANG TANGING KALIGTASAN.NATATANGI KONG SANDIGAN AY IKAW O HESUS, NATATANGI KONG PAG-ASA AY IKAW PANGINOON. KAILANMAN  IKAW AY DI NAGBABAGO, SANDIGAN KO'Y IKAW...(AWIT 46:1-3) Ang Diyos ang lakas natin at kanlungan, At handang saklolo kung may kaguluhan; Di dapat matakot, mundo'y mayanig man, Kahit na sa dagat ang bundok mabuwal; Kahit na magngalit yaong karagatan, at ang mga burol mayanig, magimbal..v.11 kasama natin Diyos na Makapangyarihan.

Wednesday, September 17, 2008

'buti pa sila......

kapag marami kang iniisip at nakita mo na para bang ang lahat ng bagay ay magulo, at maging ang mga plano mo ay parang hindi ayos, at pakiramdam mo ay lalong sumasama ang sitwasyon ng lahat ng ginagawa mo, at habang nagsisikap ka para umunlad at maging maayos ang lahat, pero kabaligtaran ang mga nangyayari, at nakikita mo naman ang iba na parang walang iniisip na problema at palibang-libang lang, minsan nakapag-iisip ka tuloy ng 'BUTI PA SILA..pashopping-shopping o kaya naman eh 'BUTI PA SILA.. parang di na mauubos ang pera at parang walang problema...Alam mo ba na nakakagaan ng kalooban na maisiwalat mo sa Diyos ang lahat ng gusto mong sabihin, kasi Siya naman ang nakakaalam at nakakaunawa ng tunay mong kalagayan. Hindi ibig sabihin na kapag nakikita mo na umuunlad ang iba at ikaw ay hindi ay parang naiinggit ka sa kalagayan nila. Ang totoo, nagiging matapat ka lang sa sarili mo na ikumpara ang kalagayan mo sa iba at pagkatapos ay matutuhan mong ibigay sa Diyos ang lahat ng dinaranas mo. Huwag nating solohin ang pagdadala ng bigat ng anumang pinagdadaanan natin, at lalong di natin dapat sisihin ang iba o maging ang sarili natin. Sa anumang sitwasyon mayroon ka ngayon, problema sa pera? may sakit ka? problema sa asawa, sa anak, sa kaibigan o sa kamag-anak? hirap sa trabaho o pagbagsak ng negosyo kaya? o problema mismo sa sarili mo ? Lahat ng iyan, mabigat kapag nag-iisa mong dinadala kaya hanggang sa maramdaman mo na lang na awang-awa ka na sa sarili mo at nagseself-pity ka na at masabi mo na 'BUTI PA SILA...Pero huwag kang sumuko kasi lahat naman ng bagay ay may katapat...di ba yung langit may katapat na lupa, yung dilim ay may katapat na liwanag, yung kahinaan ay may kalakasan, yung kahirapan ay may kaginhawahan, yung pag-luha ay may pag-saya, yung sakit ay may paggaling, yung pag may nawala sa iyo, mayroon din ibabalik sayo. Kaya pipili rin lang tayo kung paano mabuhay sa mundo eh piliin na natin yung buhay na may tiwala at pag-asa sa Diyos. Sabi ko nga, di naman permanente ang pamamalagi natin dito sa lupa, pumili na tayo ng ikagaganda at ikabubuti ng ating kalooban, yung makagawa tayo ng maganda sa buhay natin at sa buhay ng iba. Masarap na mahirap ang mabuhay pero kung alam natin kung sino ang kasama natin araw-araw eh hindi tayo matatakot sakaling bumagsak man tayo kasi mayroon laging sasalo sa atin, ibabangon at itatayo tayong muli. Pangako ng Diyos iyon sa lahat ng nagtitiwala at nagpapasakop sa Kanya. (ISAIAS 41:10 AKO'y sasainyo, huwag kang matakot. Ako ang iyong Diyos, di ka dapat mangamba kaninuman. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.  ISAIAS 43:1-2 Huwag kang matakot, ililigtas kita. Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.Pag ikaw ay daraan sa karagatan, sasamahan kita. Hindi ka madadaig ng mga suliranin.Dumaan ka man sa apoy, di ka maaano, di ka maibubuwal ng mabibigat na pagsubok.) Hanggang sa muli....

Thursday, September 11, 2008

pagod ka na ba ?

minsan ba sumagi sa isip mo ang ganitong tanong? napapagod na ba ako sa araw-araw na routine ng buhay? parang walang pagbabago, umaga pa lang busy na sa paggayak pagpasok sa trabaho, hanggang maghapon, tapos uwi sa gabi, konting tulog, bukas heto naman, the same pa rin na gagawin, maski nga nakapaligid sa atin eh halos mamemorize na natin sa araw-araw, manood ka ng news, yun pa rin ang makikita mo, siyempre mas marami ang bad news kesa good news, eh sino naman ang makikinig kapag lahat ng ibabalita ay panay good. Kaya nga kumikita ang mga diyaryo dahil mas gusto nila ang article na mas bad kesa good. Hay naku buhay, mahirap di ba? Lagi ka na lang may pinaglalaanan pag katapusan, siyempre pa ang lahat ng bills na naghinintay na mabayaran bago magdue. Kung minsan tuloy para bang wala ng katapusan ang lahat ng bagay na hinaharap natin. Pero alam mo ba, ang totoo, kasama talaga iyan sa pagdadaanan natin habang narito pa tayo sa lupa at nabubuhay. Kailangan lahat may challenge. Kaya  nga tinawag na hanapbuhay kasi ang ibig sabihin niyan eh dahil buhay ka kailangan eh humanap ka ng ikabubuhay mo, di dapat maging hanap patay dahil di pa naman tayo patay di ba?. Kaya di tayo dapat magsawa at maging tamad sa paggawa para sa ikabubuti natin. Alam natin nakikiraan lang tayo sa mundong ito, di ito ang permanenteng tirahan natin, darating ang oras at uuwi rin tayong lahat sa talagang tirahan natin. At habang narito tayo, pansamantala lang ang lahat ng ipinararanas sa atin, At saka isa pa, lahat ng bagay na mayroon tayo ngayon, huwag nating isipin na talagang atin kasi PAHIRAM LANG SA ATIN ANG LAHAT NG IYAN, kaya huwag tayong masyadong spoiled na sukdulan na tayong hindi makatulong sa iba kasi pakiramdam natin eh atin ang lahat ng bagay na pinagpagalan natin. Ang totoo, lahat ng bagay eh ipinararaan lang ng Diyos sa palad natin para may magamit tayo at para na rin maging blessing tayo sa buhay ng iba. Naranasan mo na ba minsan nga eh kahit ayaw nating tumulong sa iba pero kapag gusto ng Diyos na ibigay sa iba ang nasasayo eh di ba wala tayong magawa, kasi nga eh siya ang may kontrol ng kung anuman ang  mayroon tayo at kung sino man ang gusto niyang pagbigyan. At ang talagang TOTOO, kahit nakakapagod eh di nakakasawang mabuhay, kasi iyan ang blessing na bigay ng Diyos sa atin. (Awit 139:1-3) Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay, Ang lahat kong lihim, Yahweh ay tiyak mong nalalaman. Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay di lingid, Kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip. Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man, Ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.

Wednesday, September 10, 2008

ayaw ko munang isipin ang mangyayari bukas.

di naman porke sinabi ko na ayaw ko munang isipin ang bukas ay di na ako nagpaplano ng magandang buhay(di iyon ang nais kong ipakahulugan sa sinabi ko).Ang totoo kasi, di naman talaga natin alam ang magaganap bukas kaya sapat  na sa araw na ito ang ipagpasalamat sa Diyos ang ibinigay niyang pagkakataon na mabuhay tayo ngayon, alam natin na Siya ang may kontrol ng lahat ng bagay na nagaganap o pwede pang maganap sa atin kaya mas maganda na ipaubaya natin sa Kanyang mapagpalang kamay ang lahat ng ito. Maaari tayong magplano at magtiwala sa Kanyang mabuting gagawin para sa araw na ito. Importante din na kung di man Niya tugunin ang bawat kahilingan mo ngayon ay nandoon pa rin iyong pananampalataya natin na kahit kailan ay di Siya magpapabaya o iiwan tayong nag-iisa. Para anupa iyong sinabi Niya na SIYA AY GABAY AT PATNUBAY kundi Niya tutuparin iyon sa mga taong tapat na nananampalataya sa Kanya. Di man Siya tumugon ngayon sa bawat panalangin natin pero ang totoo, tumutugon ang Diyos sa tamang panahon, sa tamang oras at di rin pwede na wala Siyang sagot sa bawat tanong natin sa Kanya, kasi lagi naman siyang may sagot. Kapag tumawag tayo sa Kanya, di Niya tayo inioon-hold. Lagi Siyang sumasagot, maaring tayo lang di makarinig. Lagi Siyang kasama natin, maaring tayo lang ang di makakita sa Kanya. Lagi Siyang may ginagawa sa buhay natin araw-araw pero maaring di natin naaapreciate ang mga ito kasi kung minsan ang focus ng mata natin ay kung ano ang makapagpapasaya sa ating  buhay at sa ating katawan. Naitanong mo na ba minsan sa sarili mo, ano ba talaga ang gusto ng Diyos na gawin ko para sa araw na ito na makapagpapasaya sa Kanya. Time to review and check our lifestyle, ano ba talaga ang gusto ko sa buhay? Siya lang ang pwedeng magpuno ng lahat ng bagay na kulang sa atin. Anuman ang sitwasyon mo ngayon, magtiwala ka, may gagawin ang Diyos.(  Isaias 46:4 Ako ang inyong Diyos. Iingatan ko kayo hanggang sa pumuti ang inyong buhok at kayo'y tumanda. Kayo'y nilikha ko kaya't tungkulin kong kayo ay iligtas at laging kalingain.)