Tuesday, November 25, 2008

Aawitan ko ang aking Diyos

Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan. Siya'y aking pupurihin, habang ako'y nabubuhay. Ang awit ng aking puso sana naman ay pakinggan habang aking inaawit ang papuri sa Maykapal.

Thursday, November 20, 2008

Huwag kang susuko...

Pakiramdam ko para akong pinagsakluban ng langit at lupa, sa mga sunod-sunod na problemang dumarating, para tuloy akong maysakit na wala naman. Para bagang di na matatapos ang pagpatak ng ulan, at halos bumubuhos ng pagkalakas-lakas at may kasama pang hanging halos kaya akong tangayin. Kahit saan ako pumunta, kasunod ang daluyong ng bagyo, di ko man alam kung kailan matatapos, Siya lang ang nakakaalam. Sa pagbagsak ko at pagharap sa mabibigat na pagsubok man o bahagi pa rin ng pagtutuwid bunga ng katigasan ng ulo at mabilisang desisyon sa buhay, isa lang ang tiyak na kailangan kong gawin, ang "HUWAG AKONG SUMUKO" dahil alam ko na lahat ay matatapos din sa tulong ng Aking Amang mapagmahal na kailan man ay di sumuko sa pag-ibig at pag-unawa sa akin, sa pagbibigay-habag sa akin araw-araw patunay na nasisilayan ko pa rin ang bagong umaga dahil ang tiyak, hindi niya ako bibitawan hanggang sa huling sandali ng aking hininga. Salamat po Ama, na sa paglapit ko at paghingi ng patawad, sa pag-amin sa bawat kamalian, sa paghiling na pangunahan mo ang aking buhay at sa panibagong pagkakataon na bigay mo po sa akin, alam kong may patutunguhan na ang muli kong pagbangon. Sa bawat pintuan na nagsara, may roon bagong pintuang magbubukas ng pag-asa. Sa bawat kabiguan ngayon ay katumbas ng tagumpay bukas. Kailangan lang ay magtiwala at sumunod sa kanyang kalooban. Kailangan lang ay magpakumbaba at kilalanin ang sayo ay lumikha. Siya na dapat purihin at pasalamtan habang tayo'y nabubuhay. Amen

Sunday, November 16, 2008

Sa aking pagdulog....

Sa  pagdulog ko po ngayon sa'yong Banal na harapan Aking mapagpalang Ama. Tanging pangalan mo Panginoong Hesukristo ang nais kong itaas, ang aking purihin at pasalamatan. Ang puso ko,y umaawit ng may kagalakan, kaluluwa ko'y nagpupuri sa iyong ngalan. At sa aking pagsamba, ito'y tanging sa'yo lamang, awit ng pagsamba, sa'yo nararapat ibigay. Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan, Siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay. Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan. Habang aking inaawit ang papuri sa Maykapal. (Awit104:33-34)

Saturday, November 15, 2008

Bagong umaga..

Kapag sumilay ang liwanag kahit na umuulan-di man sumikat ang araw, ito'y tanda pa rin ng panibagong buhay na bigay sa'yo ng Diyos, Panibagong pagkakataon, bagong pag-asa ang dulot niya puno ka man ng lungkot o pagdurusa sa kahapong nagdaan, purihin mo pa rin Siya pagka't sa buong magdamag na turing sayo'y patay na nguni't ginising niyaring buhay upang masilayan ang isang magandang umaga. Bangon ka na..Awit59:16 Nguni't aawit ako. Pagka't ang taglay mo'y pambihirang lakas. Sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas.(Awit 68:19) Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas. At may dala araw-araw ng pasanin nating hawak.

Panandalian lang...

Maraming bagay ang pwedeng makapagpasaya sa tao. Ang lahat ng ito habang narito tayo sa lupa ay napakasarap maranasan. Ang magkaroon ng masayang pamilya, ng maayos na tahanang masisilungan, sapat na pagkain sa araw-araw,masiglang pangangatawan, mataas na edukasyon na maipagmamalaki kaninuman, trabahong siyang suporta sa mga pangangailangan, mga magagandang lugar na napuntahan, magarang sasakyan at magagandang kasuotan bunga ng pagsisikap. Di ba kaysarap mabuhay lalo na at ganito ang iyong nakasanayan sa araw-araw. Ay oo nga pala bago ko makalimutan, lahat nga pala ng ito ay panandalian lang sa buhay natin, pahiram lang sa atin kung baga. Masaya tayo na mayroon nito pero iisa lang ang totoong pwedeng makapagpaligaya sa atin. Ito'y ang pag-ibig ng Diyos na ipinadama sa atin, mula sa pag-aalay ng buhay ng Kanyang Anak upang maranasan natin ang tunay na buhay na payapa at matiwasay. (Juan 3:16 Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.)Nasubukan mo na bang ipagtiwala sa kanya ang buhay mo. Kanya ang lahat ng mayroon ka, maaring mawala lahat sa isang iglap. Sumampalataya ka, subukan mo para maranasan mo ang pangako niyang pag-ibig at buhay na tiyak na may patutunguhan kahit na mawala pa saiyo ang lahat ng mayroon ka ngayon. Kung gusto mong sumaya ng totoo, siyang hanapin mo.

Saturday, November 8, 2008

Anong gusto mong iwan kapag umalis ka?

Minsan kapag tinatanong ko ang aking sarili, paano kaya kung ito na ang huling araw ko? ano kaya ang mangyayari sa mga maiiwan ko? kasi naman bakit kaya ang tao kapag pinagu-usapan na ang tungkol sa kamatayan eh para ba itong may sugat na dapat iwasan, napansin ninyo rin ba yun? Maraming tao kapag pagbawi na ng Diyos ng buhay ang topic hay naku eh huwag ka at magna-knock on wood pa. Oo nga , napapansin ko din yun. Ba't nga ba? Eh kasi naman yung bang bigyan ka ng Diyos ng pagkakataong mabuhay pa kahit sa isang araw ay walang katumbas iyon kahit gaano pa karami ang yung kayamanan. At saka isa pa eh ito na kasi ang nakasanayan ng tao, ang makasama yung mga mahal sa buhay tapos biglang mawawala kaya para sa kanila napakahirap na tanggapin na basta ka na lang mawawala na di mo sila naihanda.Pero sa totoo lang, di ba ng likhain naman tayo ng Diyos at hingahan eh wala naman talaga tayo ng kahit na ano, samakatuwid pahiram lang lahat ng ito na narito sa atin, anak, asawa, magulang, bahay, pagkain, kayamanan, kaibigan etc. Lahat ng ito, pagdating ng takdang oras ay maiiwanan din natin. At kung minsan di natin alam kung saan o kanino mapupunta ang lahat ng mga pinagpagalan natin dito sa lupa. Mas maraming mga tao, talagang nagpapagal ng todo, halos di matulog dahil sa dalawa ang trabaho, halos di na mahigaan ang kama dahil sa laki ng bahay na kailangang bayaran, sa gara ng mamahaling sasakyan, sa mga mamahaling alahas sa katawan, sa mga malalaking figures ng stocks sa bangko, sa mga masasarap na pagkaing natitikman sa araw-araw. sa mga mamahaling lugar na pinapasyalan para makapagliwaliw. Lahat ng ito na ating nakasanayan ay talaga namang parang napakahirap iwanan pero di natin mapipigilan kahit na ibigay mo pa lahat mong kayamanan. Sa buhay ko, nais kong maiwan ang mundo na mayroon akong magandang legacy na naiwanan para sa lahat ng naging konektado sa aking buhay habang ako'y naririto pa. Yung magandang impact na makakapagbabago rin ng buhay ng iba patungo sa mabuti hindi sa kasamaan. Yung mawala man ako eh alam ko na lang na may naiwan akong mabuti na di malilimutan at makakaimpluwensiya sa kanila kahit ako'y wala na. Magpatuloy akong ibahagi sa kanila ang pagmamahal ng Diyos. At ang pagbabago ng buhay dapat nagsisimula sa atin kung gusto din natin na mabago ang mga nasa paligid natin. Alam mo yun di ba? yung gusto mong laging nakangiti ang mga nasa paligid mo eh habang ikaw ang aura ng yung mukha ay lagi kang nakasimamgot, so anung mababago dun, dapat magsimula saiyo kung gusto mong sumaya ang kapaligiran, mag-invest ka ng saya. Lord tulungan mo po ako na bawat paghakbang ko dito sa lupa ay laging magbigay at mag-iwan ng malaking pagbabago sa buhay ng iba. Sa mga kahinaan ko, magsilbing kalakasan ko'y ikaw, sa mga bagay na mahirap kong baguhin, lagi po akong gabayan ng Banal na Espiritu upang siyang magturo sa akin ng tamang iisipin, tamang gagawin at tamang pakikitungo sa lahat. Nais ko pong mag-iwan ng magandang puso para sa lahat. Tulungan mo po ako Ama na huwag mawaglit ang mga kaluluwa ng mga taong idinudulog ko sayo araw at gabi na nawa'y abutin mo sila, kahabagan at iligtas, na makita ko at makasama pa sila sa Banal mong gawain habang ako'y narito pa.Salamat po sayo Ama sa pangalan ni Hesus (Mangangaral 7:1 Ang mabuting pangalan ay mas mahalaga kaysa mamahaling pabango; at ang araw ng kamatayan ay higit na mabuti sa araw ng kapanganakan. Manga. 3:20 Iisa ang kauuwian ng lahat; lahat ay buhat sa alabok at sa alabok din uuwi.

Monday, November 3, 2008

Heto na naman...

Heto na naman po ako Ama, upang patuloy kang papurihan at pasalamatan sa panibagong araw na itong kaloob mo sa akin. Dito na ako sa library pumunta para makapagsulat muli sa iyo ng aking pagkilala at pagpupuri sayo. Nawalan man ako ng computer eh di naman hadlang' yun para di ako magsulat patungkol sayong kabutihan at habag sa amin. Sa bawat araw na dumadaan alam ko po na para akong dumadaaan sa butas ng karayom, sa dami ng porblema na kinakaharap ko pero narito ka pa rin, binibigyan mo pa rin ako ng pagkakataong mabuhay, pinatatawad mo pa rin ako sa mga pagkakasala ko at kahinaan.Di mo ako binibitawan tanda ng pagsikat at paglubog ng araw na nasisilayan ko pa rin. Alam ko po, kung sa sarili ko lang, eh di ako karapat-dapat sa pagdulog ko sa'yo Ama, pero salamat po sa Panginoong Hesukristo na siyang namagitan para makaharap ako sa'yo at maranasan ang habag mo. Salamat sa pangako mong salita sa araw na ito.Awit 37;1-9. v. 5 Ang iyong sarili'y sa Diyos mo ilagak. Pag nagtiwala ka'y tutulungan kang ganap. v6 Ang kabutihan mo ay magliliwanag, katulad ng araw kung tanghaling tapat.Salamat po sa'yong kabutihan sa amin, salamat din sa pag-iingat mo sa aking buong sambahayan at salamat po sa bawat kaluluwang maliligtas sa panibagong araw na ito. Patuloy mo pong gamitin ang iyong mga anak bilang instrumento ng paglaganap ng iyong salita. Basbasan mo po ang aming paglakad, pagsasalita ng patungkol sayo at maging ang aming paggawa. Nawa po mabuhay kami na ang liwanag mo ang nakikita sa amin. Patnubay mo po Banal na Espiritu ay kailangan namin upang makagawa kami ng ayon sa kalooban ng aming Amang nasa langit. Salamat po sa araw na ito sa pangalan ni Hesus Amen.

Saturday, November 1, 2008

Ano ba plano mo ngayon?

Sa maraming araw na nagdaan, salamat naman at patuloy ka po Panginoon na gumagabay sa amin, sa kabila ng mga pagkukulang namin sa'yo, sa kabila ng mga kahinaan at kasalanan na patuloy naming nagagawa, pero heto ka po Lord at patuloy na nagbibigay habag sa buhay namin, sumisikat at lumulubog ang araw na nasisilayan namin tanda na patuloy mo pa rin kaming kinahahabagan. Ang kadakilaan mo ay sapat sa araw-araw. Ito'y isang tanda ng iyong himala na ipinapakita sa'yong mga nilikha sa bawat araw. Yung kabutihan mo sa amin, yung patuloy na kalakasan ng aming katawan at espiritu, yung sapat na pagkain at pananamit sa araw-araw gaya ng ipinangako mo, yung pagliligtas mo sa amin sa anumang bagay na makakasama sa amin, yung pakikinig mo sa amin sa bawat pagiyak at pagtawa. Lahat-lahat iyan alam mo at wala akong pwedeng masabi pa kundi ang purihin at pasalamatan ka. salamat po sa lahat ng pabor na ibinibigay mo, sa lahat ng mga ipinapahiram mo sa amin. (alam ko naman, lahat ng narito eh pansamantala lang kaya wala akong pwedeng angkinin na kahit ano dito sa lupa), Salamat po, sa pamilyang ipinagkaloob mo sa amin, nawa gamitin mo kaming bilang mabuting magulang sa aming mga anak at maging mabuting anak kami sa aming mga magulang. Salamat din po sa pagkilos at paghipo na gagawin mo sa marami pang kaluluwa para sa kanilang kaligtasan. Salamat din po sa paggamit mo sa mga taong nakatuon sayo ngayon at nananalangin para sa kaligtasan ng bansa, ng maraming kaluluwa at maraming pamilya. Bless them Lord that you may continue to use them mightily and with your power in Jesus name. Use me as a channel of blessings to people who need salvation. Thank you Lord for today, for the peace and joy and for your love. May your life and your word always be a reflection of what i am today and everyday. I bless your Most Holy name Jesus.