Tuesday, November 25, 2008

Aawitan ko ang aking Diyos

Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan. Siya'y aking pupurihin, habang ako'y nabubuhay. Ang awit ng aking puso sana naman ay pakinggan habang aking inaawit ang papuri sa Maykapal.

Thursday, November 20, 2008

Huwag kang susuko...

Pakiramdam ko para akong pinagsakluban ng langit at lupa, sa mga sunod-sunod na problemang dumarating, para tuloy akong maysakit na wala naman. Para bagang di na matatapos ang pagpatak ng ulan, at halos bumubuhos ng pagkalakas-lakas at may kasama pang hanging halos kaya akong tangayin. Kahit saan ako pumunta, kasunod ang daluyong ng bagyo, di ko man alam kung kailan matatapos, Siya lang ang nakakaalam. Sa pagbagsak ko at pagharap sa mabibigat na pagsubok man o bahagi pa rin ng pagtutuwid bunga ng katigasan ng ulo at mabilisang desisyon sa buhay, isa lang ang tiyak na kailangan kong gawin, ang "HUWAG AKONG SUMUKO" dahil alam ko na lahat ay matatapos din sa tulong ng Aking Amang mapagmahal na kailan man ay di sumuko sa pag-ibig at pag-unawa sa akin, sa pagbibigay-habag sa akin araw-araw patunay na nasisilayan ko pa rin ang bagong umaga dahil ang tiyak, hindi niya ako bibitawan hanggang sa huling sandali ng aking hininga. Salamat po Ama, na sa paglapit ko at paghingi ng patawad, sa pag-amin sa bawat kamalian, sa paghiling na pangunahan mo ang aking buhay at sa panibagong pagkakataon na bigay mo po sa akin, alam kong may patutunguhan na ang muli kong pagbangon. Sa bawat pintuan na nagsara, may roon bagong pintuang magbubukas ng pag-asa. Sa bawat kabiguan ngayon ay katumbas ng tagumpay bukas. Kailangan lang ay magtiwala at sumunod sa kanyang kalooban. Kailangan lang ay magpakumbaba at kilalanin ang sayo ay lumikha. Siya na dapat purihin at pasalamtan habang tayo'y nabubuhay. Amen

Sunday, November 16, 2008

Sa aking pagdulog....

Sa  pagdulog ko po ngayon sa'yong Banal na harapan Aking mapagpalang Ama. Tanging pangalan mo Panginoong Hesukristo ang nais kong itaas, ang aking purihin at pasalamatan. Ang puso ko,y umaawit ng may kagalakan, kaluluwa ko'y nagpupuri sa iyong ngalan. At sa aking pagsamba, ito'y tanging sa'yo lamang, awit ng pagsamba, sa'yo nararapat ibigay. Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan, Siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay. Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan. Habang aking inaawit ang papuri sa Maykapal. (Awit104:33-34)

Saturday, November 15, 2008

Bagong umaga..

Kapag sumilay ang liwanag kahit na umuulan-di man sumikat ang araw, ito'y tanda pa rin ng panibagong buhay na bigay sa'yo ng Diyos, Panibagong pagkakataon, bagong pag-asa ang dulot niya puno ka man ng lungkot o pagdurusa sa kahapong nagdaan, purihin mo pa rin Siya pagka't sa buong magdamag na turing sayo'y patay na nguni't ginising niyaring buhay upang masilayan ang isang magandang umaga. Bangon ka na..Awit59:16 Nguni't aawit ako. Pagka't ang taglay mo'y pambihirang lakas. Sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas.(Awit 68:19) Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas. At may dala araw-araw ng pasanin nating hawak.

Panandalian lang...

Maraming bagay ang pwedeng makapagpasaya sa tao. Ang lahat ng ito habang narito tayo sa lupa ay napakasarap maranasan. Ang magkaroon ng masayang pamilya, ng maayos na tahanang masisilungan, sapat na pagkain sa araw-araw,masiglang pangangatawan, mataas na edukasyon na maipagmamalaki kaninuman, trabahong siyang suporta sa mga pangangailangan, mga magagandang lugar na napuntahan, magarang sasakyan at magagandang kasuotan bunga ng pagsisikap. Di ba kaysarap mabuhay lalo na at ganito ang iyong nakasanayan sa araw-araw. Ay oo nga pala bago ko makalimutan, lahat nga pala ng ito ay panandalian lang sa buhay natin, pahiram lang sa atin kung baga. Masaya tayo na mayroon nito pero iisa lang ang totoong pwedeng makapagpaligaya sa atin. Ito'y ang pag-ibig ng Diyos na ipinadama sa atin, mula sa pag-aalay ng buhay ng Kanyang Anak upang maranasan natin ang tunay na buhay na payapa at matiwasay. (Juan 3:16 Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.)Nasubukan mo na bang ipagtiwala sa kanya ang buhay mo. Kanya ang lahat ng mayroon ka, maaring mawala lahat sa isang iglap. Sumampalataya ka, subukan mo para maranasan mo ang pangako niyang pag-ibig at buhay na tiyak na may patutunguhan kahit na mawala pa saiyo ang lahat ng mayroon ka ngayon. Kung gusto mong sumaya ng totoo, siyang hanapin mo.

Saturday, November 8, 2008

Anong gusto mong iwan kapag umalis ka?

Minsan kapag tinatanong ko ang aking sarili, paano kaya kung ito na ang huling araw ko? ano kaya ang mangyayari sa mga maiiwan ko? kasi naman bakit kaya ang tao kapag pinagu-usapan na ang tungkol sa kamatayan eh para ba itong may sugat na dapat iwasan, napansin ninyo rin ba yun? Maraming tao kapag pagbawi na ng Diyos ng buhay ang topic hay naku eh huwag ka at magna-knock on wood pa. Oo nga , napapansin ko din yun. Ba't nga ba? Eh kasi naman yung bang bigyan ka ng Diyos ng pagkakataong mabuhay pa kahit sa isang araw ay walang katumbas iyon kahit gaano pa karami ang yung kayamanan. At saka isa pa eh ito na kasi ang nakasanayan ng tao, ang makasama yung mga mahal sa buhay tapos biglang mawawala kaya para sa kanila napakahirap na tanggapin na basta ka na lang mawawala na di mo sila naihanda.Pero sa totoo lang, di ba ng likhain naman tayo ng Diyos at hingahan eh wala naman talaga tayo ng kahit na ano, samakatuwid pahiram lang lahat ng ito na narito sa atin, anak, asawa, magulang, bahay, pagkain, kayamanan, kaibigan etc. Lahat ng ito, pagdating ng takdang oras ay maiiwanan din natin. At kung minsan di natin alam kung saan o kanino mapupunta ang lahat ng mga pinagpagalan natin dito sa lupa. Mas maraming mga tao, talagang nagpapagal ng todo, halos di matulog dahil sa dalawa ang trabaho, halos di na mahigaan ang kama dahil sa laki ng bahay na kailangang bayaran, sa gara ng mamahaling sasakyan, sa mga mamahaling alahas sa katawan, sa mga malalaking figures ng stocks sa bangko, sa mga masasarap na pagkaing natitikman sa araw-araw. sa mga mamahaling lugar na pinapasyalan para makapagliwaliw. Lahat ng ito na ating nakasanayan ay talaga namang parang napakahirap iwanan pero di natin mapipigilan kahit na ibigay mo pa lahat mong kayamanan. Sa buhay ko, nais kong maiwan ang mundo na mayroon akong magandang legacy na naiwanan para sa lahat ng naging konektado sa aking buhay habang ako'y naririto pa. Yung magandang impact na makakapagbabago rin ng buhay ng iba patungo sa mabuti hindi sa kasamaan. Yung mawala man ako eh alam ko na lang na may naiwan akong mabuti na di malilimutan at makakaimpluwensiya sa kanila kahit ako'y wala na. Magpatuloy akong ibahagi sa kanila ang pagmamahal ng Diyos. At ang pagbabago ng buhay dapat nagsisimula sa atin kung gusto din natin na mabago ang mga nasa paligid natin. Alam mo yun di ba? yung gusto mong laging nakangiti ang mga nasa paligid mo eh habang ikaw ang aura ng yung mukha ay lagi kang nakasimamgot, so anung mababago dun, dapat magsimula saiyo kung gusto mong sumaya ang kapaligiran, mag-invest ka ng saya. Lord tulungan mo po ako na bawat paghakbang ko dito sa lupa ay laging magbigay at mag-iwan ng malaking pagbabago sa buhay ng iba. Sa mga kahinaan ko, magsilbing kalakasan ko'y ikaw, sa mga bagay na mahirap kong baguhin, lagi po akong gabayan ng Banal na Espiritu upang siyang magturo sa akin ng tamang iisipin, tamang gagawin at tamang pakikitungo sa lahat. Nais ko pong mag-iwan ng magandang puso para sa lahat. Tulungan mo po ako Ama na huwag mawaglit ang mga kaluluwa ng mga taong idinudulog ko sayo araw at gabi na nawa'y abutin mo sila, kahabagan at iligtas, na makita ko at makasama pa sila sa Banal mong gawain habang ako'y narito pa.Salamat po sayo Ama sa pangalan ni Hesus (Mangangaral 7:1 Ang mabuting pangalan ay mas mahalaga kaysa mamahaling pabango; at ang araw ng kamatayan ay higit na mabuti sa araw ng kapanganakan. Manga. 3:20 Iisa ang kauuwian ng lahat; lahat ay buhat sa alabok at sa alabok din uuwi.

Monday, November 3, 2008

Heto na naman...

Heto na naman po ako Ama, upang patuloy kang papurihan at pasalamatan sa panibagong araw na itong kaloob mo sa akin. Dito na ako sa library pumunta para makapagsulat muli sa iyo ng aking pagkilala at pagpupuri sayo. Nawalan man ako ng computer eh di naman hadlang' yun para di ako magsulat patungkol sayong kabutihan at habag sa amin. Sa bawat araw na dumadaan alam ko po na para akong dumadaaan sa butas ng karayom, sa dami ng porblema na kinakaharap ko pero narito ka pa rin, binibigyan mo pa rin ako ng pagkakataong mabuhay, pinatatawad mo pa rin ako sa mga pagkakasala ko at kahinaan.Di mo ako binibitawan tanda ng pagsikat at paglubog ng araw na nasisilayan ko pa rin. Alam ko po, kung sa sarili ko lang, eh di ako karapat-dapat sa pagdulog ko sa'yo Ama, pero salamat po sa Panginoong Hesukristo na siyang namagitan para makaharap ako sa'yo at maranasan ang habag mo. Salamat sa pangako mong salita sa araw na ito.Awit 37;1-9. v. 5 Ang iyong sarili'y sa Diyos mo ilagak. Pag nagtiwala ka'y tutulungan kang ganap. v6 Ang kabutihan mo ay magliliwanag, katulad ng araw kung tanghaling tapat.Salamat po sa'yong kabutihan sa amin, salamat din sa pag-iingat mo sa aking buong sambahayan at salamat po sa bawat kaluluwang maliligtas sa panibagong araw na ito. Patuloy mo pong gamitin ang iyong mga anak bilang instrumento ng paglaganap ng iyong salita. Basbasan mo po ang aming paglakad, pagsasalita ng patungkol sayo at maging ang aming paggawa. Nawa po mabuhay kami na ang liwanag mo ang nakikita sa amin. Patnubay mo po Banal na Espiritu ay kailangan namin upang makagawa kami ng ayon sa kalooban ng aming Amang nasa langit. Salamat po sa araw na ito sa pangalan ni Hesus Amen.

Saturday, November 1, 2008

Ano ba plano mo ngayon?

Sa maraming araw na nagdaan, salamat naman at patuloy ka po Panginoon na gumagabay sa amin, sa kabila ng mga pagkukulang namin sa'yo, sa kabila ng mga kahinaan at kasalanan na patuloy naming nagagawa, pero heto ka po Lord at patuloy na nagbibigay habag sa buhay namin, sumisikat at lumulubog ang araw na nasisilayan namin tanda na patuloy mo pa rin kaming kinahahabagan. Ang kadakilaan mo ay sapat sa araw-araw. Ito'y isang tanda ng iyong himala na ipinapakita sa'yong mga nilikha sa bawat araw. Yung kabutihan mo sa amin, yung patuloy na kalakasan ng aming katawan at espiritu, yung sapat na pagkain at pananamit sa araw-araw gaya ng ipinangako mo, yung pagliligtas mo sa amin sa anumang bagay na makakasama sa amin, yung pakikinig mo sa amin sa bawat pagiyak at pagtawa. Lahat-lahat iyan alam mo at wala akong pwedeng masabi pa kundi ang purihin at pasalamatan ka. salamat po sa lahat ng pabor na ibinibigay mo, sa lahat ng mga ipinapahiram mo sa amin. (alam ko naman, lahat ng narito eh pansamantala lang kaya wala akong pwedeng angkinin na kahit ano dito sa lupa), Salamat po, sa pamilyang ipinagkaloob mo sa amin, nawa gamitin mo kaming bilang mabuting magulang sa aming mga anak at maging mabuting anak kami sa aming mga magulang. Salamat din po sa pagkilos at paghipo na gagawin mo sa marami pang kaluluwa para sa kanilang kaligtasan. Salamat din po sa paggamit mo sa mga taong nakatuon sayo ngayon at nananalangin para sa kaligtasan ng bansa, ng maraming kaluluwa at maraming pamilya. Bless them Lord that you may continue to use them mightily and with your power in Jesus name. Use me as a channel of blessings to people who need salvation. Thank you Lord for today, for the peace and joy and for your love. May your life and your word always be a reflection of what i am today and everyday. I bless your Most Holy name Jesus.

Thursday, September 25, 2008

kung umuulan....

nakakatamad lumabas ng bahay...,humm ang sarap matulog at saka pakiramdam ko ba eh ayaw umalis ng katawan ko sa higaan kasi nga medyo malamig, at saka ang lakas pa naman ng ulan.., di maganda ang weather ngayon, di na lang ako papasok sa trabaho...ano kaya ang masarap na almusal, ahhh alam ko na, makapagluto kaya ng tsamporado at saka pritong tuyo at tsaka kapeng mainit. Hay sarap makakapahinga rin ako dito sa bahay. Saka ko na lang tatapusin ang gawain ko,pahinga muna ako sandali...another side of ulan comment... Hay ano ba yan, ngayon pa umulan ang dami ko pa namang gagawin ngayon nakakabadtrip tuloy, mababasa na naman itong damit ko pagpasok, at saka ang hirap magdrive kapag umuulan, madulas pa naman ang kalsada di ko masyadong nakikita ang daan. Nakakatamad maggrocery kapag ganito kalakas ang ulan.Iba-ibang comment natin kapag umuulan, either iaapreciate natin o magcomplain tayo sa sitwasyon. Ganito din sa buhay natin sa araw-araw,gusto natin yung kung saan tayo ay convenient, naluluwagan at yung bang laging nasisikatan ng araw, gusto natin yung buhay na fast o kaya naman ay instant, yung bang di tayo kailangang makaranas ng inconvenience sa buhay. Ano ang magiging reaksyon mo kapag naranasan mo ang malakas na pag-ulan? Ulan ng sunod-sunod na pagsubok?Pagbuhos ng malakas na ulan sa iyong pamilya kaya? minsan bagyo pa nga kung dumating, sakit ba? o kahirapan ? o kaguluhan ? di pagkaka-unawaan ng mga mahal mo sa buhay kaya? problema sa tamang pagpapalaki sa mga anak?Lahat ng iyan eh maaari nating maranasan pero nakadepende saiyo kung paano mo tatanggapin ang bawat pagpatak ng ulan. Maiinis ka ba? magtatago ka ba ? susuko ka ba ? malulungkot ka ba? Nakasalalay sa pagtanggap mo ang ikasasaya o ikalulungkot mo kapag bumuhos sa iyo ang matinding bagyo.Di mo man ito maiwasan pero may kapangyarihan ka na saluhin ito ng payapa at masaya. At walang sinuman ang pwedeng makapigil sayo sa magiging attitude mo kung umuulan. Tayo ang may hawak ng pag-uugali natin, dito tayo masasalamin ng tao kung paano tayo nakikitungo sa iba.Tulad nga ng lagi kong sinasabi, pipili rin lang tayo ng paraan kung paano tayo mabuhay dito sa lupa, eh piliin na natin yung masisiyahan tayo gayundin ang iba.Hindi nabibili ng pera ang saya. Kasi ang tao kahit may pera o wala eh pwedeng sumaya depende sa pagtanggap natin sa kung ano ang mayroon tayo, at huwag hanapin ang wala. Kung umuulan ngayon sa buhay mo.. tumingin ka sa positibong  paraan para ka sumaya... at tulad ng awit na ito, magiging magaan ang lahat basta alam mo lang kung saan ka maglalagak ng tiwala. IKAW O DIYOS ANG TANGI KONG KANLUNGAN, BAGYO MAN SA BUHAY AY DUMAAN. LUMAKAD MAN SA LILIM NG KAMATAYAN, IKAW O DIYOS  ANG TANGING KALIGTASAN.NATATANGI KONG SANDIGAN AY IKAW O HESUS, NATATANGI KONG PAG-ASA AY IKAW PANGINOON. KAILANMAN  IKAW AY DI NAGBABAGO, SANDIGAN KO'Y IKAW...(AWIT 46:1-3) Ang Diyos ang lakas natin at kanlungan, At handang saklolo kung may kaguluhan; Di dapat matakot, mundo'y mayanig man, Kahit na sa dagat ang bundok mabuwal; Kahit na magngalit yaong karagatan, at ang mga burol mayanig, magimbal..v.11 kasama natin Diyos na Makapangyarihan.

Wednesday, September 17, 2008

'buti pa sila......

kapag marami kang iniisip at nakita mo na para bang ang lahat ng bagay ay magulo, at maging ang mga plano mo ay parang hindi ayos, at pakiramdam mo ay lalong sumasama ang sitwasyon ng lahat ng ginagawa mo, at habang nagsisikap ka para umunlad at maging maayos ang lahat, pero kabaligtaran ang mga nangyayari, at nakikita mo naman ang iba na parang walang iniisip na problema at palibang-libang lang, minsan nakapag-iisip ka tuloy ng 'BUTI PA SILA..pashopping-shopping o kaya naman eh 'BUTI PA SILA.. parang di na mauubos ang pera at parang walang problema...Alam mo ba na nakakagaan ng kalooban na maisiwalat mo sa Diyos ang lahat ng gusto mong sabihin, kasi Siya naman ang nakakaalam at nakakaunawa ng tunay mong kalagayan. Hindi ibig sabihin na kapag nakikita mo na umuunlad ang iba at ikaw ay hindi ay parang naiinggit ka sa kalagayan nila. Ang totoo, nagiging matapat ka lang sa sarili mo na ikumpara ang kalagayan mo sa iba at pagkatapos ay matutuhan mong ibigay sa Diyos ang lahat ng dinaranas mo. Huwag nating solohin ang pagdadala ng bigat ng anumang pinagdadaanan natin, at lalong di natin dapat sisihin ang iba o maging ang sarili natin. Sa anumang sitwasyon mayroon ka ngayon, problema sa pera? may sakit ka? problema sa asawa, sa anak, sa kaibigan o sa kamag-anak? hirap sa trabaho o pagbagsak ng negosyo kaya? o problema mismo sa sarili mo ? Lahat ng iyan, mabigat kapag nag-iisa mong dinadala kaya hanggang sa maramdaman mo na lang na awang-awa ka na sa sarili mo at nagseself-pity ka na at masabi mo na 'BUTI PA SILA...Pero huwag kang sumuko kasi lahat naman ng bagay ay may katapat...di ba yung langit may katapat na lupa, yung dilim ay may katapat na liwanag, yung kahinaan ay may kalakasan, yung kahirapan ay may kaginhawahan, yung pag-luha ay may pag-saya, yung sakit ay may paggaling, yung pag may nawala sa iyo, mayroon din ibabalik sayo. Kaya pipili rin lang tayo kung paano mabuhay sa mundo eh piliin na natin yung buhay na may tiwala at pag-asa sa Diyos. Sabi ko nga, di naman permanente ang pamamalagi natin dito sa lupa, pumili na tayo ng ikagaganda at ikabubuti ng ating kalooban, yung makagawa tayo ng maganda sa buhay natin at sa buhay ng iba. Masarap na mahirap ang mabuhay pero kung alam natin kung sino ang kasama natin araw-araw eh hindi tayo matatakot sakaling bumagsak man tayo kasi mayroon laging sasalo sa atin, ibabangon at itatayo tayong muli. Pangako ng Diyos iyon sa lahat ng nagtitiwala at nagpapasakop sa Kanya. (ISAIAS 41:10 AKO'y sasainyo, huwag kang matakot. Ako ang iyong Diyos, di ka dapat mangamba kaninuman. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.  ISAIAS 43:1-2 Huwag kang matakot, ililigtas kita. Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.Pag ikaw ay daraan sa karagatan, sasamahan kita. Hindi ka madadaig ng mga suliranin.Dumaan ka man sa apoy, di ka maaano, di ka maibubuwal ng mabibigat na pagsubok.) Hanggang sa muli....

Thursday, September 11, 2008

pagod ka na ba ?

minsan ba sumagi sa isip mo ang ganitong tanong? napapagod na ba ako sa araw-araw na routine ng buhay? parang walang pagbabago, umaga pa lang busy na sa paggayak pagpasok sa trabaho, hanggang maghapon, tapos uwi sa gabi, konting tulog, bukas heto naman, the same pa rin na gagawin, maski nga nakapaligid sa atin eh halos mamemorize na natin sa araw-araw, manood ka ng news, yun pa rin ang makikita mo, siyempre mas marami ang bad news kesa good news, eh sino naman ang makikinig kapag lahat ng ibabalita ay panay good. Kaya nga kumikita ang mga diyaryo dahil mas gusto nila ang article na mas bad kesa good. Hay naku buhay, mahirap di ba? Lagi ka na lang may pinaglalaanan pag katapusan, siyempre pa ang lahat ng bills na naghinintay na mabayaran bago magdue. Kung minsan tuloy para bang wala ng katapusan ang lahat ng bagay na hinaharap natin. Pero alam mo ba, ang totoo, kasama talaga iyan sa pagdadaanan natin habang narito pa tayo sa lupa at nabubuhay. Kailangan lahat may challenge. Kaya  nga tinawag na hanapbuhay kasi ang ibig sabihin niyan eh dahil buhay ka kailangan eh humanap ka ng ikabubuhay mo, di dapat maging hanap patay dahil di pa naman tayo patay di ba?. Kaya di tayo dapat magsawa at maging tamad sa paggawa para sa ikabubuti natin. Alam natin nakikiraan lang tayo sa mundong ito, di ito ang permanenteng tirahan natin, darating ang oras at uuwi rin tayong lahat sa talagang tirahan natin. At habang narito tayo, pansamantala lang ang lahat ng ipinararanas sa atin, At saka isa pa, lahat ng bagay na mayroon tayo ngayon, huwag nating isipin na talagang atin kasi PAHIRAM LANG SA ATIN ANG LAHAT NG IYAN, kaya huwag tayong masyadong spoiled na sukdulan na tayong hindi makatulong sa iba kasi pakiramdam natin eh atin ang lahat ng bagay na pinagpagalan natin. Ang totoo, lahat ng bagay eh ipinararaan lang ng Diyos sa palad natin para may magamit tayo at para na rin maging blessing tayo sa buhay ng iba. Naranasan mo na ba minsan nga eh kahit ayaw nating tumulong sa iba pero kapag gusto ng Diyos na ibigay sa iba ang nasasayo eh di ba wala tayong magawa, kasi nga eh siya ang may kontrol ng kung anuman ang  mayroon tayo at kung sino man ang gusto niyang pagbigyan. At ang talagang TOTOO, kahit nakakapagod eh di nakakasawang mabuhay, kasi iyan ang blessing na bigay ng Diyos sa atin. (Awit 139:1-3) Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay, Ang lahat kong lihim, Yahweh ay tiyak mong nalalaman. Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay di lingid, Kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip. Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man, Ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.

Wednesday, September 10, 2008

ayaw ko munang isipin ang mangyayari bukas.

di naman porke sinabi ko na ayaw ko munang isipin ang bukas ay di na ako nagpaplano ng magandang buhay(di iyon ang nais kong ipakahulugan sa sinabi ko).Ang totoo kasi, di naman talaga natin alam ang magaganap bukas kaya sapat  na sa araw na ito ang ipagpasalamat sa Diyos ang ibinigay niyang pagkakataon na mabuhay tayo ngayon, alam natin na Siya ang may kontrol ng lahat ng bagay na nagaganap o pwede pang maganap sa atin kaya mas maganda na ipaubaya natin sa Kanyang mapagpalang kamay ang lahat ng ito. Maaari tayong magplano at magtiwala sa Kanyang mabuting gagawin para sa araw na ito. Importante din na kung di man Niya tugunin ang bawat kahilingan mo ngayon ay nandoon pa rin iyong pananampalataya natin na kahit kailan ay di Siya magpapabaya o iiwan tayong nag-iisa. Para anupa iyong sinabi Niya na SIYA AY GABAY AT PATNUBAY kundi Niya tutuparin iyon sa mga taong tapat na nananampalataya sa Kanya. Di man Siya tumugon ngayon sa bawat panalangin natin pero ang totoo, tumutugon ang Diyos sa tamang panahon, sa tamang oras at di rin pwede na wala Siyang sagot sa bawat tanong natin sa Kanya, kasi lagi naman siyang may sagot. Kapag tumawag tayo sa Kanya, di Niya tayo inioon-hold. Lagi Siyang sumasagot, maaring tayo lang di makarinig. Lagi Siyang kasama natin, maaring tayo lang ang di makakita sa Kanya. Lagi Siyang may ginagawa sa buhay natin araw-araw pero maaring di natin naaapreciate ang mga ito kasi kung minsan ang focus ng mata natin ay kung ano ang makapagpapasaya sa ating  buhay at sa ating katawan. Naitanong mo na ba minsan sa sarili mo, ano ba talaga ang gusto ng Diyos na gawin ko para sa araw na ito na makapagpapasaya sa Kanya. Time to review and check our lifestyle, ano ba talaga ang gusto ko sa buhay? Siya lang ang pwedeng magpuno ng lahat ng bagay na kulang sa atin. Anuman ang sitwasyon mo ngayon, magtiwala ka, may gagawin ang Diyos.(  Isaias 46:4 Ako ang inyong Diyos. Iingatan ko kayo hanggang sa pumuti ang inyong buhok at kayo'y tumanda. Kayo'y nilikha ko kaya't tungkulin kong kayo ay iligtas at laging kalingain.)
 

Monday, August 4, 2008

isa. dalawa..tatlo...

karugtong nga pala ito tungkol sa tanong ko nung isang araw (galit ka ba?). Madalas kasi kapag galit ang isang tao eh lalong nakakagawa ng di maganda o kaya naman eh nakakapagdesisyon ng di maganda na mas lalong pang nakapagbibigay ng di magandang resulta. Ang iba naman kapag galit eh nakapagsasalita ng masasakit o maaari pa ngang nakapagmumura pa sa kapwa at di na narerealized na ang bawat salitang sasabihin eh di na niya pwedeng mabawi dahil nakasakit na siya ng damdamin ng iba. Maraming dahilan na pinagmumulan ng galit ng isang tao. Yung naglalakad ka sa mall eh bigla may nakatapak ng likod ng sapatos mo, o kaya naman eh di sinasadya biglang natapakan yung paa mo nung taong dumadaan. Tapos kumawala kaagad ang galit mo dahil nasaktan ka physically eh nakapagsalita ka na kaagad ng di maganda.Minsan naman eh sa pamilya, yung bang taong sobrang mahal natin eh bigla kang iniwan o kaya naman  pinagpalit ka sa iba. Yung sakit sa emosyon mo ay para bang pakiramdam mo ay papatay ka ng tao. Minsan naman eh sa sobrang pagseselos ay nagkakaroon ka ng matinding galit sa tao dahilan para magduda ka lagi.Mayroon namang iba galit kaagad kapag may appointment at nahuli dahil sa traffic o kaya naman ay naghihintay ng matagal. Umagang umaga pa lang ay bigla kang natapunan ng kape na maaring natabig ng anak mo o asawa mo  eh ayos na ayos pa naman ang suot mo. Bigla ka tuloy nagalburoto at lumabas ang tunay na ikaw. Mayroon naman galit sa mundo dahil maaaring sobrang kahirapan ang dinadanas kaya ibinubunton ang sisi sa gobyerno dahil sa disaapointment ng buhay niya. Minsan eh sisisihin yung mga mayayaman na nagsisikap. Kaya naman kadalasan ang mga mahihirap galit sa mayayaman kasi nga pakiramdam ba natin eh sila lang ang pwedeng magmay-ari ng mundo. Hay naku maraming dahilan pero ang totoo lang eh kapag galit ka siduradong iba ang pakiamdam mo, pati nga pagtibok ng puso mo mabilis ang pintig di ba?, tapos mainit sa katawan na palagay mo eh para kang sasabog na kuryente anytime di ba? Lahat tayo nararanasan natin ang pagbabago ng pakiramdam basta galit. Yung iba nga eh namumula pa ang pisngi pati punong tenga, iba naman eh naaatake sa puso.At kapag galit ka eh anhin na lang ay lamutakin mo ang mukha ng kausap mo . Siyempre pa, ang dulo tuloy ay nakagagawa ka ng di maganda o nawawalan ka ng composure sa sarili mo.Pag galit ka nawawala ang clear thinking mo, Mga anak na galit sa magulang na para lang makaganti ay sisirain ang sariling katawan sa mga kung ano=anong bisyo eh sa huli tuloy sila din ang kawawa dahil sa mga maling desisyon. Mga mag-asawa, na dahil sa matinding pagseselos ay nagkakasakitan o umaabot pa sa pagpatay (siguro naman eh nakarinig ka na din ng mga ganyang istorya.) Di masamang magpakita ng iyong expression na galit ka kaya lang dapat nasa tamang lugar at tamang salita ang dapat gamitin. Siguro naman eh makakatulong ang pagbilang mo ng ISA, DALAWA, TATLO, hanggang sa makaisang libo ka huwag kang titigil hanggang di bumababa iyong tendency ng galit mo. Kasi sigurado naman na magkucooldown ang pakiramdam mo basta huwag kang padalos-dalos. Ilang tao na ba ang napaaway, nakulong dahil sa init ng ulo. Hupa na ang galit mo pero heto ka sa kulungan, pinagbabayaran ang biglang pagkagalit mo. Kahangalan ang bigla-bigla na lang na nagpapadala sa simbuyo ng damdamin. Dapat may kontrol tayo. para di tayo laging napapasok sa gulo. (Mangangaral 7:9) Kapag tayo'y nasasaktan, maging laging handa tayo na magpatawad lalo na kapag nagsorry na ang taong nakasakit sayo. Always ready tayo na umunawa kasi ang tao eh mapufrustrate ka talaga kung minsan lalo na kung nagkakamali sa mga ginagawa. May mga tao na kukunsumihin ka araw-araw o sa mga darating pa na araw  kaya mas mabuti na ihanda ang pangunawa at pagpapatawad dahil maging tayo man kung minsan ay nagkukulang din at maaring nakikitaan din ng ganitong paguugali. Idalangin ang mga taong ito na lagi ng nagbibigay ng test sa yo araw-araw para magalit. Ipaubaya sa Diyos ang magiging pagbabago nila.

patawarin mo....

patawarin mo ako sa mga kasalanan ko. Linisin mo ang puso ko at gawing tapat sa iyo. Tulungan mo ako sa mga kahinaan ko. Baguhin mo ang buhay ko ayon sa kalooban mo. Naririto ang puso ko, ang isip ko, pagharian ng iyong Banal na Espiritu. Lingapin mo, gamitin mo ayon sa naisin mo, purihin ka O Diyos purihin ka..

Sunday, August 3, 2008

galit ka ba?

naka-encounter ka na ba ng taong parati na lang galit, simpleng bagay eh lagi na lang nahahighblood o di naman kaya eh palagi na lang nakaangil kapag kinakausap mo  na para bang mangangagat. O di naman kaya eh laging may reklamo sa bawat bagay na makita, Galit kapag nakakita ng taong masaya, galit kapag mahaba ang traffic at di makahintay , laging may pintas sa bawat makita , basta wala nang makitang maganda na maapreciate niya, lahat sa tingin ay okey, sa kanya hindi, panay negative. Ang hirap kasama ng ganitong tao di ba?Di kasi naman eh may anger habit ang mga taong ganito. Mas marami ang oras na galit siya kesa oras na matiwasay siya.Yung bang habang nageenjoy ka eh sila killjoy, laging kontra sa maganda, mahirap kapag nakasurround ka sa ganitong mga tao, di marunong magappreciate ng kagandahan ng buhay. Kasi nga baka kung itetrace natin somewhere in the past ng taong ito ay puro pala kahirapan o kaapihan ang dinanas, tuloy ang tendency di siya makalaya sa negative thoughts maging sa bitterness na dinadala niya o maging sa mga taong gumawa sa kanya ng di maganda in the past. At kung tayo naman ito, irewind natin ang ating sarili sa ating nakaraan . Maaari kasi na lumaki tayo na kulang sa care ang pamilya o di kaya ay kulang sa atensyon, laging naaapi dahil si Ate lang o kaya si Kuya ay laging may bagong damit, ako eh yung napagkalakihan na lang nila. O di naman kaya ay may tita ka na matandang dalaga na lagi ka na lang kinukurot nung bata ka pa o kaya eh sinasabunutan kapag di ka sumusunod sa iniutos niya. Kaya sa isip natin natanim na kapag ikaw ay lumaki, ay ipararanas mo rin na makaganti ka mabigyan ka lang ng pagkakataon.Tingnan mo na lang sa pamilya na kinalakhan ng mga taong ganito. Maaaring mayroon silang nanay o tatay na may favoritism sa mga anak. o kaya naman ay mayroon palaki ng lola o lolo. Kaya yung batang dumanas ng di magandang environment in the past eh nadala nila hanggang sa kanilang paglaki ang negative memories nila. At kahit sa labas na ng bahay at mayroong tayong nakaencounter na mga taong pinagmalupitan kaya ng employer o kaya naman ay yung  mga teacher na may favoritism sa eskwela. Lahat ng iyan eh hirap sila na  magpatawad kaya naman ang gusto eh makaganti at nadala yun hanggang sa lumaki. Trace our past at magsimula tayong magpatawad, una sa sarili natin, then sa mga taong ginawan tayo ng di maganda in the past.At dapat na icast-out ang anger habit natin in the name of Jesus Christ. Make a big decision to forgive to enjoy life. Naapi ka na nuon, ngayon naman eh inaapi mo ang sarili mo dahil bondage ka ng iyong past memories which is foothold of Devil. Di ka tuloy maging masaya, tanging remedy lang ay magpatawad. Surrender your anger habit to the Lord. Mas may magagawa siya diyan para maging mapayapa ka, at para maging malaya. Mabigat na dalahin sa buhay yung may inaalagaan kang sama ng loob, at galit sa puso.Ibigay natin iyan sa Diyos na pwedeng magpagaan ng loob mo anumang oras na lumapit ka sa Kanya. (Mateo 11:28) Lumapit kayo sa akin kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin ko.)

Saturday, August 2, 2008

ang kailangan lang....

batid ng Diyos ang lahat ng bagay, sa bawat araw ng ating buhay. Ang kailangan mo, ang kalagayn mo, batid Niya ang lahat sa buhay mo. Ang kailangan lang ay magtiwala at sumunod sa kanyang kalooban. Ang kailangan lang ay magpakumbaba at purihin ang kanyang pangalan.(Awit 139:1-18)Salamat po o Diyos at makapangunguna ka sa'ming buhay at sayo lang kami pwedeng umasa saanumang kalagayn mayroon kami ngayon.

Thursday, July 31, 2008

hanapin mo...

hanapin mo ang lahat ng makapagpapasaya sa iyo at makapagbibigay sigla ng yong buhay at pag nandun  ka na hwag mong kalimutan itanong sa sarili mo ... masaya ba ako talaga? Nakapagbigay saya ba sa Diyos at sa kapwa ko ang mga ginagawa ko o ako lang ang masaya? o kung nandyan ka naman sa masayang kalagayan ngayon, hwag mo rin kalimutang tanungin ang sarili mo, mapayapa ba ang puso ko sa ngayon, masaya ba ako talaga o niloloko ko lang ang sarili ko at inaabala sa maraming bagay para di ko maramdaman ang kulang?. May kulang nga ba? Alalahanin mo Siya bago tuluyang mawalan ng kabuluhan ang lahat ng bagay na mayron ka, bago tuluyang dumating ang panahon na di ka na makalakad na mag-isa o di naman kaya ay pumuti na ang iyong buhok at tuluyang manumbalik sa Kanya ang ipinahiram na buhay. Pagkat sa lahat ng bagay na gagawin, hayag man o lihim. mabuti man o masama, ito'y isusulit natin sa Diyos. (Mangangaral 12:14).Sa mundo na magulo, at habang ang tao ay abalang-abala sa maraming bagay...isa lang ang tanging kailangan, ang katugunan, at ang dapat panaligan... tiyak mo ba na nahanap mo na SIYA?

haay buhay' tuloy pa rin ...

masakit ang ulo ko ngayon, eh kasi nga, di ba pag biglang gising mo at napabalikwas ka sa pagbangon, eh tinakbo ko kasi yung ibinilad kong floor mat sa labas dahil umuulan na pala eh di ko namalayan(kasi nga napaidlip ako sa pagod ko sa trabaho kanina). Ang nangyari kasi eh nagbara ang sink sa kitchen at nagoverflow ang tubig sa sahig kaya tawag ako ng plumber bago ako pumasok, yun nga pumunta naman nitong hapon na pagdating ko galing trabaho, so habang hinihintay ko matapos eh nagbayad muna ako ng bills sa internet, siyempre nagcheck na rin iba kong mails, nung matapos sya, umidlip muna ako, eh bigla akong gising akala ko eh oras na uli ng pagbalik ko sa trabaho, yun na namalayan ko na lang na umuulan pala. pumasok sa isip ko ang mga bills na kailangan ko pang isettle within this week at pa ti na rin yung mga kasunod pang mga bayarin. Napahay buhay tuloy ako... syempre para kasing di na matatapos ang lahat ng ito halo-halo sa isip ko ang dapat gawin at para bang nakakapagod na .. pero pag negative na ang takbo ng utak ko eh sabay baling ng spirit ko ..opps count your blessing wag yung mga complain ng isip mo ang entertainin mo, live only today, bat ba binabalisa mo sarili mo, binigyan ka ng Diyos ng pagkakataon na mabuhay sa araw na ito, yun muna ang isipin mo, bahala ang Diyos sa kung anong ibibigay niya sayo bukas. problema niya yun. so ngayon tuloy lang ang buhay, pasalamat ako dahil buhay pa ako  ngayon eh wala naman kasing excitement kung panay na lang masasaya ang takbo ng buhay  dahil di mo mapifeel ang kalagayan ng ibang tao na dumaranas ng hirap at lungkot kung di ka ilalagay ng Diyos sa sitwasyon na katulad nila. yun ang nakakapagpapalakas sa ating loob para magpatuloy sa buhay dahil dinedevelop tayo ng Diyos sa iba-ibang angle para tumatag at lalong humawak sa ating faith sa Kanya. Imagine kahit na hirap ka, makukuha mo pa rin ang magpasalamat at magtiwala sa gagawin ng Diyos sa atin. Awit 121:2 Ang hangad kong tulong sa Diyos magmumula, Sa Diyos na lumikha ng langit at lupa. Ang buhay ko, tuloy pa rin (kahit ano mangyari...)  

Wednesday, July 30, 2008

Buhay-pamumuhay

Ano nga ba talaga ang tunay na buhay na gusto natin, Naitanong mo na ba yang minsan sa sarili mo? o paano ba talaga mabuhay lalo na kung ikaw ay nasa malayomg lugar? Ang "site" na ito ay isang malaking pagkakataong maibahagi sa iba ang tunay na kulay ng buhay  eh di basta natural na buhay kundi yung totoo na naranasan mo habang ikaw ay binibigyan pa ng pagkakataon na magising sa umaga, meaning may pag-asa pa na nakalaan sa iyo para ganapin ang iyong buhay at hanapbuhay. Kasama na ang pag-iyak, pagtawa, o lungkot man o saya, mga hirap na pinagdadaanan. mga kaginhawahan na nadarama pagkatapos ng hirap. Alam natin na lahat ng iyan eh kasama sa totoong buhay natin dito sa lupa. Sabi nga nila pag wala  ka ng problema at di ka na humihinga eh wala tapos na ang buhay. Pero habang naririto pa tayo wag nating sayangin ang buhay anupaman ito na ipinagkaloob sa atin. Eh bakit ko nga pala sa Tagalog ito naiblog kasi naman bayaan mo na yung iba dyan na maishare ang kanilang husay sa Ingles na gusto nila kasi dun sila mahusay at saka blessed. Ako naman eh baka maubos pa ingles ko eh di pa tayo magkaintindihan. mabuti na gamitin ko sarili ko lenguwahe sa pag-abot sa puso ng masang pilipino ha.ha.ha.Kahit naman noon pa, simple lang buhay na gusto ko, yung masabi sa tao na lahat ng bagay may dahilan ang Diyos kung bakit patuloy pa rin niyang tayong pinapahiram ng buhay. Kaya kahit anu ka pa ngayon, anuman ang pagkatao mo, nasa liwanag ka man o nasa madilim na pamumuhay, masaya ka man ngayon o malungkot, umiiyak ka man o tumatawa(siguruduhin mo lang na nakakabit ng maigi ang pustiso mo ok) anuman ang itsura mo (kahit pa nga parang sa palagay mo dinaanan ng pison ang itsura ng ilong mo ok lang iyan kasi in na in na yan ngayon sa mga show o sa TV he, he,he)Ang ibig kong sabihin , nung nilikha tayo ng Diyos eh di Siya nagkamali at di niya intensyong pahirapan tayo sa mga kinakaharap natin sa ngayon at habang may buhay ka pa eh ang isipin natin ay ano ang dapat kong gawin , ano ang layunin ko ngayon na makapagbibigay saya sa Diyos at sa tao. Hindi yung kung papaano ko wawakasan ito? Hay naku problema ng Diyos na gawin yun. Pag di pa nya binabawi ang buhay mo ibig sabihin may ipapagawa pa siya saiyo. Gusto pa Niyang makasama ka sa magandang gawain na ibibigay niya sayo. Kaya pahirin mo na luha mo  pati na rin ang sipon mo na tumulo sa ilong (talaga naman kasi ako pag umiiyak pati ilong ko eh sabay na natulo ang sipon di ba?). Kasi anumang bahagi ng buhay natin ngayon, ang kailangan lang eh mayron kang Diyos na pinanghahawakan. Maraming mabibigat na sitwasyon ang maaring dumating sayo, saka mo na isipin yon, mahalaga buhay ka sa araw na ito (kasi nababasa mo pa ito di ba?) at saka ang tunay at totoo sa buhay ay yung may tunay kang Backer na nasa likod mo , nasa harap mo ,sa tagliran mo saan ka man pumunta, kasama mo SIYA. So don't worry, be happy ika nga ng iba, (Awit 139). O sige , sa susunod  na pagsulat ko sana magkasama pa rin tayo. Bye