Thursday, November 20, 2008

Huwag kang susuko...

Pakiramdam ko para akong pinagsakluban ng langit at lupa, sa mga sunod-sunod na problemang dumarating, para tuloy akong maysakit na wala naman. Para bagang di na matatapos ang pagpatak ng ulan, at halos bumubuhos ng pagkalakas-lakas at may kasama pang hanging halos kaya akong tangayin. Kahit saan ako pumunta, kasunod ang daluyong ng bagyo, di ko man alam kung kailan matatapos, Siya lang ang nakakaalam. Sa pagbagsak ko at pagharap sa mabibigat na pagsubok man o bahagi pa rin ng pagtutuwid bunga ng katigasan ng ulo at mabilisang desisyon sa buhay, isa lang ang tiyak na kailangan kong gawin, ang "HUWAG AKONG SUMUKO" dahil alam ko na lahat ay matatapos din sa tulong ng Aking Amang mapagmahal na kailan man ay di sumuko sa pag-ibig at pag-unawa sa akin, sa pagbibigay-habag sa akin araw-araw patunay na nasisilayan ko pa rin ang bagong umaga dahil ang tiyak, hindi niya ako bibitawan hanggang sa huling sandali ng aking hininga. Salamat po Ama, na sa paglapit ko at paghingi ng patawad, sa pag-amin sa bawat kamalian, sa paghiling na pangunahan mo ang aking buhay at sa panibagong pagkakataon na bigay mo po sa akin, alam kong may patutunguhan na ang muli kong pagbangon. Sa bawat pintuan na nagsara, may roon bagong pintuang magbubukas ng pag-asa. Sa bawat kabiguan ngayon ay katumbas ng tagumpay bukas. Kailangan lang ay magtiwala at sumunod sa kanyang kalooban. Kailangan lang ay magpakumbaba at kilalanin ang sayo ay lumikha. Siya na dapat purihin at pasalamtan habang tayo'y nabubuhay. Amen

No comments: